Bangungot ng Kahapon
Sa panahon ng pag-iisa
Naisip ito ng ika'y maalala
Kumabog ang dibdib ng bahagya
Luha'y pumatak na lang bigla
Nakaraang pilit nililimot
Pangyayaring tila isang bangungot
Kabanatang parang isang salot
Sa isipa'y laging bumabalot
Isang lagim kung ituring
Di nanaisin pang gumising
Sa gabing tulog ay mahimbing
Kababalaghan ang biglang dumating
Huwag po, huwag po, ang impit na hiling
Sa halimaw na sa dilim nanggising
Halik at haplos niya'y nais limutin
Ito ang taimtim na dalangin
Bibig ma'y naging tikom
Mata ma'y pikit at sa pag-asa'y gutom
Pusong tila tinusok ng karayom
Kailan kaya ito maghihilom
Durog man yaring pagkatao
Lumaban pa rin at di sumuko
Lumipas man ang maraming taon
Mga alaalang iyo'y isang bangungot ng kahapon.
What's Your Reaction?
Due to the nature of this site, you must be logged in to react.





